3 May 2011

Ang Singsing

Ang Singsing
(I wrote a sad love story when I was in high school. It was in English originally but I revised it to Filipino for our Filipino assignment. And so here it is. I'll publish the original version soon. Enjoy!)

“Hoy!” sigaw ni Anthony sabay hila kay Yesha palayo sa daan. Baka masagasaan ka’t mahiya ka na lang mamulot sa nakakalat mong utak sa kalsada.” Si Anthony na ngayon ang naglalakad sa tabi ng daan samantalang si Yesha ay ligtas na naglalakad sa tabi niya, malayo sa mga sasakyang kasingbilis ng kidlat kung tumakbo.
“Tonyo, tingnan mo!” sabi ni Yesha sabay palo sa likod ni Anthony. Merong maliit na tinda-tindahan ng mga palamuti sa katawan sa tabi ng daan. Lumapit sila doon.
“Maganda ‘to,” sabi ni Yesha hawakhawak ang isang kwentas na puno ng shell na para bang sa mga katutubo sa pelikulang Kingkong. Tinignan niya ang mga tinda doon—mga kwentas, singsing, pulseras at mga hikaw samantalang si Anthony ay patango-tango lamang sa bawat puring sinasabi ni Yesha. Alam naman niya kasing mahilig si Yesha tumingin ng mga tinda ngunit walang hilig itong bumili.
Lumipas ang ilang minuto’y ipinakita ni Yesha and dalawang pulseras—isang pink at isang itim. “Anong tingin mo?” tanong niya, “alin ang mas maganda?”
“Ewan ko,” sagot ni Anthony.
“Ano ka ba Tonyo, mula bata pa tayong magkaibigan pero hindi mo alam kung ano ang gusto ko! Walang kwenta kang kaibigan! Hindi mo man lang alam ang sagot ng simple kong tanong!”
“Wow, ang O.A. mo,” tawa ni Anthony sabay palakpak, “kilala kita, hindi ka sumusuot ng pulseras at sa tingin mo bakla ang pink.”
Tumawa silang dalawa at isinauli ni Yesha ang mga pulseras, sabay bulong, “Gusto ko lamang sumuot ng anumang pareho nating gusto.”
“Para sa inyong dalawa ‘ka mo?” tanong ng tindero. “Meron ako nyan dito.” Yumuko siyang may kinukuha sa ilalim ng mesa. “Para sa’yo at sa’yong B.F.” Ngumiti ang payat, matangad at nakakalbo nang tindero.
“Kung ang B.F. ay maaaring inisyal ng best friends,” wika ni Yesha.
“Oo nga, hindi kami kung anumang iniisip mo manong. Magkaibigan lang po kami,” paliwanag ni Anthony.
“Alam ko, sagot ng tindero, “ eto.” Inabot niya ang isang maliit na maitim na kahon.
Binuksan nila ito at sa loob ay dalawang simpleng singsing. Kinuha nila ito at tiningnang mabuti. Wala naman itong desinyo, ni-kintab. Wala talagang kaakit-akit nito. Nagtinginan silang dalawa.
Nang makita ng tindero ang kanilang expresyon, sabi niya, “Hindi man iyan kagandahan ngunit kung may pareho kayong singsing at panunumpa sa ‘yong kaibigan ay malalim ang kahulugan n’yan?”
“Ha?”
“Oo, sumpa,” lininaw ng matanda, “Ang singsing na ito ang nagsisimbolo ng inyong pagkakaibigan.” Sa mga sandaling iyon ay sinubok nila ang mga singsing sa kanilang daliri. “Ang unang magtatangal sa kanyang singsing sa daliri ay mamalasin.”
“Salamat, pero ‘wag na lang po,” sabi ni Anthony sabay hubad sa singsing.
Nang munti ng matangal ang singsing sa kanyang daliri ay pinigilan siya ng tindero, “Hindi mo gugustuhing mamatay ngayong gabi, di ba?”
“OK lang ‘to Anthony,” sabi ni Yesha, “isuot mo ‘yan. Medyo maganda naman eh,” sabi niya habang nakatingin sa singsing sa kanyang daliri.
“Pero—” reklamo sana ni Anthony pero kumindat si Yesha sa kanya kaya’t binayaran na lang niya at umalis na silang dalawa. “Hindi ka naman naniniwala doon diba?” Tanong ni Anthony nang malayolayo na sila.
“Siyempre hindi ‘no! Pero alam kong naniniwala ka doon!” Tawa ni Yesha.
“Sige, sige,” sagot ni Anthony, “dahil hindi ako kasingtalino mo’y mapamahiin na ako.”
“Ang drama mo naman Tonyo!” tukso ni Yesha. “Naaawa lang ako sa tao. Gagawin niya’ng lahat para bumili tayo. Napakaseryoso nya’t baka ma-insulto siya kung hindi tayo maniniwala sa kanya o magpanggap man lamang,” paliwanag niya.
“Hahaha, ang bait mo na ah!” sabi ni Anthony at tinusok ng kanyang daliri si Yesha sa gilid.
Natahimik sila matapos tumawa. Ayon na naman sila, kahit na napakatagal na nilang magkaibigan ay may mga panahon pa ring naiilang sila sa isa’t isa. Kapag niyayakap na sila ng katahimikan ay napakahirap na para sa kanilang dalawa na makalabas nito at magsimula ng conversation.
“Anthony,” tawag ni Yesha, “sigurado kang ihahatid mo pa ako pauwi?”
“Ginagawa naman natin to palagi ah.”
“Oo nga pero natagalan tayo doon sa tindahan. Sa mga oras na ito’y nasa inyo ka na. Hinahanap ka na ng mommy mo.”
“Natagalan nga tayo, maghahating gabi na, kaya mas delikado kung mag-isa kang maglalakad.”
“Oi, may gusto ka talaga sa akin Tonyo!” tukso ni Yesha.
“Hahaha, ayaw ko lang mapatay ng mga magulang mo ‘no. Kung di lang nila ako kilala’y pababayaan talaga kita!”
Mga ilang sandali’y dumating na sila kina Yesha. Nakatayo sila sa labas ng gate na walang nagsasalita, ni-hindi naman sila nagtitinginan. Nakahawak na si Yesha sa gate pero hindi pa naman siya pumapasok samantalang si Anthony ay nakatalikod sa kanya pero hindi pa naman umaalis. Palalim na ang gabi’t tela wala naman talagang mangyayari sa kanila. Dapat may maglakas-loob nang magsalita upang matapos na ang nakakamatayng katahimikan. Binuksan ni Yesha ang gate at pumasok saka pa nag-umpisang maglakad si Anthony.
“Tonyo! Mag-ingat ka sa momo!” sigaw ni Yesha. Lumingon lamang si Anthony at ngumiti at nagpatuloy maglakad hanggang napakalayo na niya para makita ni Yesha. Dumiretso si Yesha sa kanyang kwarto at kinuha ang kanyang diary sa ilalim ng kama. Kumuha siya ng bolpen at huhubarin na sana ang singsing nang may tumawag sa kanyang selpon.
“Hello?”
“Yesha, pumunta ka dito sa ospital,” iyak ng ina ni Anthony.
“Ano pong nangyari?”
“Si Anthony, nadisgrasya pauwi.”
Tumakbo si Yesha pababa ng bahay at nagpahatid ng kanyang ama sa ospital, sumama na rin ang kanyang ina. Pinatakbo ng napakabilis ng kanyang ama ang kotse hanggang sa pinakaligtas na kaya niya. Pagdating nila sa ospital ay agad siya nagtanong kung saan ang kwarto ni Anthony.
Nang matagpuan niya ang silid ay pumasok siya agad. Nagulat siyang makita ang lubos na hindi na makilalang hitsura ni Anthony—puno ng pasa, sugat at dugo.
“Mabuti ka lang ba?” Tanong ni Anthony kay Yesha.
“Ano ka ba Anthony, ako dapat ang mangumusta sa’yo,” sabi ni Yesha na pinipigilan ang mga luha.
“OK lang ako Yesha. Masaya akong makita ka,” sagot ni Anthony.
“Anthony...”
“’kala ko ba ‘Tonyo’ ang alam mong pangalan ko,” sabi niya at pinilit ang nasirang mga labi na ngumiti. “Eto ang singsing,” inabot niya ang singsing kay Yesha, “hinubad ko ng una para hindi ka mapahamak. Alam kong di ka naniniwala sa sinabi ng tao. Alam kong huhubarin mo ang singsing ngayong gabi para magsulat sa iyong diary. Alam kong di ka komportableng may singsing sa daliri habang nagsusulat.”
Hindi na napigilan pa ni Yesha ang pagdaloy ng maiinit na luha sa kanyang nanlalamig na pisngi. Sa unang pagkakatao’y naghawakan sila ng kamay ng napakahigpit. Ikinalulungkot ni Yeshang hindi niya maaaring mayakap ang kaibigan.
“Mahal kita Yesha,” bulong ni Anthony.
Ang sunod na nalaman ni Yesha’y hinila siya palabas ng silid at nagsitakbuhan ang mga doktor at nars sa palibot ng kanyang bespren.

No comments:

Post a Comment